KALIBO, Aklan – Isa ang patay habang isa naman ang sugatan nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang 10-wheeler truck sa Sitio Badiawan, Brgy. Feliciano, Balete, Aklan.

Nakilala ang nasawi na si Mark Jaymund Arcilla, 24, pahinante at residente ng Zamboanga na nagtamo ng matinding fracture sa ulo matapos matambakan ng naka-bundle na kabilya.

Ligtas naman ang driver nito na si Ryan Yap, 28, residente ng Brgy. San Miguel, Bitinan, Zamboanga na bahagyang nasugatan.

Ayon kay Police CMS Jerick Dadivas ng Balete Police Station, galing sa Kalibo ang truck at magde-deliver sana sa Iloilo nang mahulog ito sa bangin.

Pinapaniwalaang tumilapon ang pahinante bago tuluyang nahulog ang truck.

Sinasabing nag-inuman muna ang dalawa bago bumiyahe.

Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente upang malaman kung nagkaproblema rin ang sasakyan.

Itinuturing na accident prone area ang nasabing lugar.