TUGUEGARAO CITY – Patuloy na tinutugis ng militar at pulisya ang mga pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) na responsable sa pananambang sa 10 miyembro ng 30th Marine Company sa bayan ng Gattaran, Cagayan nitong Sabado.

Ayon kay Lt. Col. Fidel Macatangay, commanding officer ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 10 na papunta sa bayan ng Baggao ang grupo ni Lt. Gerwin Valencia nang paputukan sila ng hindi pa matukoy na bilang ng mga rebeldeng grupo sa Barangay Naddungan.

Galing sa kampo ng MBLT-10 sa Sitio Burubur, Barangay Magapit, Lal-lo ang tropa nang maganap ang insidente.

Agad tumakas ang mga rebelde nang gumanti nang putok ang mga sundalo.

Wala namang naitalang casualty o nasugatan sa nasabing ambush.