GENERAL SANTOS CITY – Pinangangambahang makaranas ng bank holiday at human resource crisis ang General Santos City na maaaring maging epekto umano ng mga investment schemes tulad ng KAPA, ALAMCO at ALMAMICO na kasalukuyang nag-o-operate sa lungsod, Sarangani at South Cotabato.

Batay ito sa Resolution No. 002 series of 2019 na inilabas ng General Santos City Chamber of Commerce and Industry (GSCCCI) dahil marami na ring mga negosyante ang nagpahayag ng pagkabahala dahil apektado ng nasabing mga investment schemes.

Ayon sa naturang grupo, sila ang mga lehitimong negosyante sa lungsod at nagbabayad ng buwis.

Subalit ang naturang mga investment schemes ay naglalabas ng milyun-milyong pera araw-araw.

Kahalintulad umano ito sa Ponzi scheme, na isang uri ng investment fraud at ang magiging kawawa ay ang mga huling nag-invest.

Dagdag pa ng naturang grupo, malaki na ang epekto nito sa kanilang negosyo sa lungsod dahil tone-toneladang mga isda ang nasira sa hindi pag-report sa trabaho ng mga empleyado sa isang aquaculture company sa Sarangani.

“Whereas, there are already companies and establishments which have felt the drastic effects of such investment schemes.  Among these was when several tons of fish this month were left attended and to rot in a processing line after employees of an aquaculture company in Sarangani turned to the easy-money scheme of investment groups and did not report to work,” bahagi pa ng resolusyon GSCCCI.

Marami na ring mga bangko sa lungsod ang nababahala dahil sa bank holiday na posibleng mangyari dahil sa malalaking withdrawals upang i-invest sa nasabing mga investment schemes.

Napag-alamang bigla ring bumaba ang transaction ng mga lending companies.

Nagkakaproblema na rin ang mga nasa fishing industry dahil marami sa mga mangingisda ay umalis na sa trabaho.

May mga empleyado na rin ng mga canning factories, pribadong mga paaralan at iba pang mga kompaniya ang nag-resign dahil may natatanggap na buwan-buwan mula sa KAPA o kaya sa ALMAMICO.

Bunsod nito, nananawagan ngayon ang nasabing grupo sa mga lokal na pamahalaan at concerned agencies ng gobyerno na bigyang-pansin ang pagdami ng investment schemes sa SOCCSKSARGEN area.

“Whereas, several bank executives in General Santos City expressed fear of a possible bank holiday after experiencing huge withdrawals that were reportedly invested in Kapa, Almamico, Alamco and the like. Lending companies also have noted a drastic decline in  transactions. The fishing industry is now suffering with the decline in the number of fishermen. Several canneries of the tuna processing plants, private schools and other establishments noted they have lost some of their personnel already to such  investment groups.”