(c) Adrian Russel King Carlos (in cap)

Sumuko na sa pulisya ang itinuturong suspek sa kaso ng hit and run sa Pasig City nitong linggo kung saan isang babae ang nasawi.

Kinilala ang salarin na si Adrian Russel King Carlos, 29, na personal na nagtungo sa tanggapan ng Pasig City PNP.

Batay sa ulat, tinamaan ng sasakyan ni Carlos ang motorsiklo ng nasawing si Rossana Ugto at sugatan nitong kasintahan na si Mark Joseph Belen matapos mag-overtake.

Agad namang naisugod noon sa ospital ang dalawa ngunit namatay din si Ugto tatlong araw matapos ma-comatose.

Humingi ng tawad si Carlos sa pamilya ng mga biktima at sinabing handa niyang akuin ang mga gastusin sa ospital at lamay ng nasawi.

Ayon kay Pasig City PNP chief Rizalito Gapas posibleng maharap sa patung-patong na kaso ang suspek.

Inaalam na rin daw ng kanilang tanggapan kung nakainom o nasa implumwensya ng iligal na droga si Carlos nang mangyari ang aksidente.