NAGA CITY – Sinorpresa ng Naga City Dangerous Drugs Board ang nasa 50 mga drug surrenderees na magtatapos ngayon sa Community Based Rehabilitation Program ng ahensiya sa Naga City.

Bago pa man magsimula kaninang umaga ang Moving Up Ceremony ng 2nd batch ng nasabing programa ay pinapila muna ang mga ito sa Jesse M. Robredo Museum para sa drug test.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Patoy Verdadero, sinabi nito na ang bawat indibidwal ay kabilang umano sa mga nasa Low Risk o mga drug surrenderees na gumagamit ng low substance.

Kung sakali umano na magpositibo ang mga ito ay muli silang isasailalim sa drug test at sakaling magpositibo muli ay iaakyat na ito sa Mild status na isasailalim sa programa ng barangay sa loob ng apat na buwan.

Napag-alaman na may apat na category ang pinagbabasehan ng Naga City Dangerous Drugs Board batay sa status ng pagamit ng drugs ng isang user.

Pinakamababa ang Low Risk, sinusundan ng mild, moderata at ang pinakamataas ay ang severe kung saan direktang dadalhin sa Rehabilitation Center.

Inaasahan naman na ilalabas agad ngayong araw ang resulta ng nasabing drug test.