(c) Makati City Police

Sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting to serious physical injuries and damage to government property at disobedience to person in authority ang young actor na si Migo Adecer.

Ito’y kasunod ng pagkakaaresto sa 19-year-old actor kagabi dahil sa alegasyon na pag-hit and run sa dalawang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) employees sa J.P. Rizal street cor. Pertirra Street sa Barangay Poblacion, Makati City.

Sinasabing nagtangkang takasan ni Adecer ang dalawang MMDA employees na lulan ng motorsiklo na nasagi ng kanyang minamanehong sports car.

Sa panig ng aktor, hindi raw nito alam na may mga nasagi siya dahil kung mayroon man ay tiyak na tutulungan daw niya ito.

Nabatid na magdamag na nagpalipas ng gabi sa Makati City Police Station si Migo bago isinailalim sa inquest proceeding ngayong araw.

Ayon sa Makati police, nakainom si Adecer at nagmamatigas pa raw na ibigay ang kanyang driver’s license.

Si Adecer ay tinanghal na “Ultimate Male Survivor” sa sixth season ng isang TV talent contest noong 2015.