KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pagkarekober ng isang bangkay ng 13-anyos na dalagita sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Ayon sa Datu Odin Sinsuat PNP, kinilala ang biktimang si Bai Tayan Abas Datuteng, residente ng Barangay Semba sa nasabing bayan at pinaniniwalaang pinagtataga dahil sa mga sugat na natamo nito sa kanyang katawan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga otoridad sa maliban sa mga taga nito sa katawan, putol din ang dalawang paa ng dalagita.

Napag-alamang una nang naiulat na nawawala ang biktima mula pa noon Marso 20 hanggang sa natagpuan na lamang ito ng kanyang pamilya na naagnas na noong Marso 26.

Samantala, ayon naman kay Datu Odin Sinsuat PNP Chief Investigator, Police SMSgt. Datuguianua Pinguiaman, may itinuturing na sila na person of interest sa karumaldumal na krimen at ito ay ang mismong tiyuhin ng dalagita.

Napag-alaman na pansalamantalang naninirahan ang biktima sa tiyuhin nito at mula umano nang naiulat na nawawala ang biktima ay umalis din ito sa kanyang bahay.

Sa ngayon, hustisya pa rin ang panawagan ng naiwang pamilya ng biktima at patuloy ang paghahanap na itinuturing na suspek.