Magpapatuloy pa sa susunod na round ng kompetisyon ng “The Voice US” ang Pinoy na nakabase sa Los Angeles, California.

Ito’y matapos piliin ng judge at kanyang coach na si Kelly Clarkson si Jej Vinson kompara sa naka-showdown sa “The Battles” round si Beth Griffin-Manley.

Nangangahulugan ito na kabilang pa rin sa Team Clarkson ang nasabing Pinoy na tubong Davao, habang si Beth ay “in-stole” ng team ni John Legend.

“I’m so excited you all exactly did what I asked you because you are so talented. That’s why not only the unison parts were so in sync, but what you did in harmony was note on note on point. That’s insane, that’s how talented you both are,” ani Kelly.

Una rito, inawit ni Jej at Beth ang “Jealous” ni Labrinth na inulan ng papuri mula sa apat na hurado.

Sakaling magwagi, mapapanalunan niya ang US$100,000 at isang recording contract mula sa Universal Music Group.

Batay sa impormasyon, si Jej ay nag-migrate sa Amerika kasama ang kanyang mga magulang noong siya ay 15 years old.

Nagsimula itong kumanta sa karaoke pagkatapos mapanood ang mga magulang niya na umaawit sa isang choir.

Unang tumira ang Vinson family sa estado ng South Dakota at noong mag-18-anyos si Jej, sumali ito sa isang a cappella camp sa Los Angeles.

Lumipat ang buong pamilya ni Jej sa California kun saan ito nag-aaral ng music sa University of Southern California at naging music director ito para sa a cappela group ng university.

Nagtrabaho rin umanong part-time sa isang restaurant si Jej habang nag-aaral ito.