KALIBO, Aklan – Isang balyena ang pinagkaguluhan ng mga residente matapos manganak sa baybaying sakop ng Brgy. Polo, New Washington, Aklan.

Agad namang ipinaalam ng mga residente sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at local government unit ang natagpuang pygmy sperm whale na puno ng dugo matapos na manganak, subalit ilang minuto lamang ay namatay rin ang mag-ina.

Aabot sa walong talampakan ang haba ng balyena at nasa mahigit 200 kilo ang timbang.

Ayon kay Benedicto dela Luna, 64, residente ng naturang barangay, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may napadpad na patay na balyena na nanganak sa kanilang lugar.

Agad namang inilibing ng bantay dagat ang mag-inang balyena sa pangambang magdulot pa ng sakit ang masangsang na amoy nito.