KALIBO, Aklan — Mahigpit na binabantayan ngayon ng pulisya ang pagpasok ng cocaine sa isla ng Boracay at buong Western Visayas.

Ito ay kasunod ng pagka-aresto sa isang disc jockey sa isinagawang buy bust operation sa inuupahang kwarto sa Sitio Sinagpa, Brgy. Balabag, Boracay.

Si Reuben Mendoza, 36, ay hinuli makaraang mabilhan ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu kapalit ng P1,100 sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.

Sa paghalughog sa kanyang kwarto ay nakuha ang tatlong sachets ng suspected cocaine, tatlong sachets ng suspected shabu at iba pang mga drug paraphernalia.

Ayon kay Chief Inspector Jose Mark Anthony Gesulga, hepe ng Malay Police Station, isinailalim nila sa surveillance ang suspek matapos makatanggap ng impormasyon na may ilang dayuhan ang labas-pasok sa kanyang kwarto.

Aminado ang suspek na ibinibenta niya ng P5,000 hanggang P6,000 bawat sachet ang kanyang cocaine.

Mula umano sa Manila ang kanyang supply at ipinapadala sa pamamagitan ng roll on-roll off vessel at kinukuha niya ito sa Caticlan jetty port.

Ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na may naarestong tulak ng cocaine sa buong Western Visayas.