Todo depensa ang Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa mga akusasyong taktika ng pamahalaan ang paglalabas ng narco-list para sirain ang kontra sa administrasyon.

Ayon kay Interior Asec. Jonathan Malaya, hindi patas na tawaging propaganda ang narco-list dahil malinaw na pagtalima lang ito sa kampanya ng pangulo kontra iligal na droga.

Hindi rin umano makatwiran na personalin o tawaging politically motivated ang listahan ng mga sinasabing narco-politicians.

Kamakailan nang isapubliko ni Pangulong Duterte ang nasa halos 50 pangalan ng mga local officials na sinasabing sangkot sa iligal na droga.

Habang may nasa higit 20 pa raw na sinusuri ang Philippine Drug Enforcement Agency.

Nauna ng sinabi ng PDEA at DILG na dumaan sa masusing imbestigasyon ang narco-list bago inilabas sa publiko.