LAOAG CITY – Matagumpay na nahuli ang itinuturing na No. 3 Most Wanted Person na nasa national level category ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) dahil sa walong bilang ng kaso nitong syndicated estafa.

Nakilala ang akusadong si Nathaniel Patricio, 43, residente ng Barangay Francisco, bayan ng Dingras.

Tulong-tulong na inaresto si Patricio ng mga kasapi ng Ilocos Norte Highway Patrol Group, Regional Intelligence Unit, IG, Intel Division HPG, RMFB1-101st MC, Solsona MPS, CIDT Ilocos Norte, at RID PRO1.

Ang warrant of arrest ay inilabas ni Assisting Judge Ivan Kim Morales ng Regional Trial Court, 1st Judicial Region Branch 18, La Trinidad, Benguet na may petsang Oktubre 3, 2015.

Ayon kay Police Maj. Rufino Nuug, hepe ng HPG-Ilocos Norte, nagbebenta umano si Patricio ng sasakyan na naisangla sa kanya kahit mayroon pang orihinal na nagmamay-ari, at may interes pa umano ito.

Nangyari umano ang panlalako ni Patricio sa La Trinidad sa naturang lalawigan.

Sa ngayon ay nai-turn over si Patricio sa HPG Intel Division sa Camp Crame, Quezon City.