GENERAL SANTOS CITY – Dumarami na raw na mga miyembro ng KAPA investment ang umaatras ngayon kasunod ng mga expose na isinisiwalat sa pangunguna ng Bombo Radyo Gensan.

Batay sa source ng himpilan, ilang miyembro na ng nasabing grupo ang humihiling na mabawi ang kanilang pera na ipinasok sa investment company ng founder nito na si Pastor Joel Apolinario.

Nangangamba raw kasi ang mga ito na baka hindi na ibalik ng nasabing founder ang mga pera na kanilang ini-invest.

Kaugnay nito, lumutang naman ang impormasyon na tumaas pa sa 40-percent ang pangako na ibibigay umanong tubo ni Apolinario sa mga miyembro nito sa susunod na taon.

Sa ngayon nakatutok na ang Presidential Task Force on Media Security at iba pang tanggapan ng gobyerno sa operasyon ng KAPA.

Naging subject ng Bombo GenSan sa kanilang expose at komentaryo ang Kabos Padatoon and Programme Blessing for Filipino People Association Incorporation (KAPA).

Hanggang ngayon mariing pinaninindigan ng Bombo GenSan na iligal ang KAPA na tumatanggap ng investments mula sa kanilang mga miyembro sa pamamagitan ng donation.

Kabilang sa unang pangako ng KAPA ay kikita raw ng 30 porsyento ang ipinapasok na investments ng mga miyembro.

Sa naging panayam kamakailan ng Bombo GenSan kay Apolinario itinanggi nito ang mga alegasyon laban sa kanya.

Sinasabing ang Kabos Padatoon ay maraming chapters sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao na ayon mismo kay Apolinario ay aabot na sa 70,000 hanggang 100,000 na ang iba ay nasa labas ng bansa.

Ang PNP Region-12 ay nagsabi na rin kaugnay sa natanggap nilang impormasyon batay sa memorandum circular ng DILG na hindi rehistrado at iligal ang operasyon ng KAPA.

Bago pa man ito, ibinunyag din sa Bombo Radyo nina C/Insp. Ephraim Megreño hepe ng Bislig PNP at ni Bislig City Mayor Librado Navarro na milyun-milyon umanong halaga ang nakulimbat ng KAPA investment scam ni Apolinario sa kanilang lugar kung saan mayroon itong mahigit 100 mga kaso at 27 arrest warrants.

Maging ang Department of Trade and Industry (DTI) Surigao del Sur ay nagbabala na rin sa publiko noon pang nakaraang taon dahil sa pag-iral ng pekeng investment schemes ng KAPA.

Tinukoy ng DTI na ang KAPA o KAPPA ay hindi otorisadong mag-solicit ng investments sa mamamayan.

Maging ang Securities and Exchange Commission (SEC) ay nagpalabas ng advisory noon pang March 2017 kung saan nagbibigay din ng babala sa operasyon ng KAPPA.

“The Commission has received information that an entity named KAPPA (KABUS PADATOON) founded by a certain MR. JOEL APOLINARIO is operating in Bislig City, Surigao del Sur and collecting investments from the public with a promise that 30% of one’s investment will be paid back every month until forever.”

“The public is hereby informed that KAPPA (KABUS PADATOON) is not registered with the Commission as a corporation or partnership. There being no primary license, it is not authorized to solicit investments which require a secondary license as provided under Sec. 8.1 of the Securities Regulation Code (SRC)… In view thereof, the public is advised to STOP INVESTING in this kind of investment activity and to take the necessary precautions in dealing with the above-named entity and/or its representatives.”