PDEA PHOTO

Iginiit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na iisang sindikato lang ang pinanggalingan
ng mga pumapasok na iligal na droga sa buong bansa.

Ito’y matapos makumpirma mula sa kanilang international counterparts na may mga parehong insidente rin sa kanila ng floating cocaine.

Ayon kay PDEA director general Aaron Aquino, agad tumugon ang 55 bansa na kanilang kinontact matapos mabatid ang magkakasunod na kaso ng cocaine blocks na natagpuan sa karagatan ng Pilipinas.

Naniniwala ang opisyal na mula sa Golden Triangle Syndicate ng Laos, Myanmar at Thailand ang mga droga at ginagawa lang transhipment ang Pilipinas.

Ibig sabihin, dinadaan lang dito ang mga iligal na droga para i-repack at ibenta muli sa iba pang bansa.

Sa ngayon target daw ng tanggapan na tutukan ang pagpasok ng illegal drugs mula sa internationaL drug syndicates.

Habang hawak na ng Philippine National Police ang pagtugis sa mga kriminal.

Dinepensahan din ng opisyal ang tanggapan mula sa mga kritikong hindi kumbinsido sa kanilang performance.

Ani Aquino, mas marami ng naaresto at napanagot na kriminal ngayon kumpara sa mga nakalipas na taon.

Batay sa datos ng PDEA mula Hulyo 2016 hanggang nitong Pebrero, nasa higit 170,000 drug personalities na ang naaresto matapos ikasa ang higit 120,000 na operasyon.