Undefeated boxing champ Floyd Mayweather Jr.

Kinumpirma ni Floyd Mayweather Sr. na babalik umano sa ibabaw ng boxing ring ang kanyang anak na si Floyd Jr.

Kasunod na rin ito ng umano’y nagpapatuloy na negosasyon ukol sa posibleng rematch ni Floyd Jr. at ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao.

“Well, Floyd is going to get back in the gym and terrorize some things. It’s what’s going to happen. For real,” wika ni Floyd Sr.

“But I’m just saying that, and I’m not saying that because of what I believe. I’m saying that because it’s going to happen, for real.”

Pero ayon sa nakatatandang Mayweather, hindi pa raw niya alam kung sino ang posibleng makatunggali ng kanyang anak sa pagbabalik nito sa boxing.

Sinasabing nitong mga nakaraang linggo ay bumalik na umano sa boxing training at sparring sa gym ang nakababatang Mayweather.

Matatandaang huling sumabak sa isang boxing match si Mayweather noong Agosto 2017 kung saan pinatumba nito ang naghamong si UFC star Conor McGregor.

Una nang sinabi ni Pacquiao na asahan na raw na magkakaroon ng development ukol sa nasabing posibilidad ilang linggo mula ngayon.

Nito lamang nakaraang linggo nang magpa-survey si Pacquiao sa social media upang alamin ang pulso ng masa ukol sa dapat nitong sunod na makaharap.

Sa naturang Twitter poll, nangibabaw ang pangalan ni Mayweather na tumipon ng kabuuang 73% na boto.