Nananatili pa rin umanong nakakapit si Filipino-American guard Jordan Clarkson sa kanyang pangarap na mapabilang sa Philippine men’s basketball team para sa 2019 FIBA World Cup na gaganapin sa China.

Sinabi ni Clarkson na bagama’t wala pang development, umaasa itong matutupad ang kanyang kagustuhang maisuot muli ang national tri-colors.

Ayon pa sa 26-year-old Cleveland Cavaliers stalwart, mag-abang lamang ang mga Pinoy basketball fans sa mga posibleng mangyari.

Una nang sinabi ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na patuloy ang komunikasyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa pamunuan ng NBA para sa pagkuha ng serbisyo ni Clarkson.

Hiling din ni Guiao na mapasama sa Gilas roster si Clarkson upang mabuo ang sinasabing “dream team” ng bansa sa World Cup kung saan ipagtatambal sila ng dating NBA player at naturalized center Andray Blatche.

Malaki rin ang paniniwala ng beteranong mentor na sa tulong ni Clarkson, posibleng makalusot sa unang round ang Pilipinas, na kagrupo ang mga European powerhouse Serbia at Italy, pati ang Angola sa Group D.

Kung maaalala, binigyan ng NBA ng one-time exception si Clarkson upang maikatawan ang Pilipinas noong 2018 Asian Games sa Indonesia.