BUTUAN CITY – Patuloy ang pag-claim ng mga local historians sa lungsod ng Butuan na sa lugar naganap ang unang misa sa Pilipinas at hindi sa Limasawa, Leyte na matagal nang nakasaad sa kasaysayan ng bansa.

Ito ang giit nina Fr. Joesilo Amalla, administrador ng San Vicente Parish sa lungsod at ni Jun Alvizon, executive director ng Filipinas Quincentenario.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Fr. Amalla na matibay ang kanilang hawak na mga ebidensya sa kanilang pahayag, base na sa nabili niyang transcription sa chronicle ni Antonio Pigaffeta sa Milan, Italy noong 1996.

Ayon kay Fr. Amalla, mababasa sa page 135 ng aklat na isinagawa ang unang misa ng Pilipinas sa isla ng Mazaua na makikita sa lokasyong 9-degree latitude at finaluhan ng magkakapatid na hari sa nasabing lugar at isla ng Butuan na sina Kulambo at Siago.

Sa nasabing aklat din ay anim na beses na kinilala ang Butuan, ilang beses naman ang Karaga, ar maraming beses ang balanghay habang 12 beses ang Mazaua kumpara sa Limasawa na hindi nabanggit kahit ni-isa man lang ni Pigafetta.

Dagdag pa ng pari, sa 42 taon niyang pag-aaral sa katotohanan ng kanilang claim lalo na sa paghahanap ng mga nauunang historians sa isla sa Mazaua, nalamang natagalan ang pagkakahanp nito dahil sa pag-iba ng features sa bukana ng Agusan River delta dahil sa iba’t ibang mga factors.

Napag-alamang naging isa ang magka-adjacent na mga isla ng Mazaua at Butuan, na nasa libro din ni Pigafetta na patunay lamang na hindi lang base sa kanilang sariling ebidensya ang mga bagong claims.

Ito umano ang mga katotohanan na hindi binanggit ng mga local historians ng bansa lalo na ang significance sa totoong lokasyon ng kasalukyang Mazaua.

Namatay umano ang totoong kaganapan kaugnay sa kasaysayan ng Pilipinas dahil sa pahirapang paghahanap ng mga Kastila sa nasabing lugar lumg kaya’t ng nakita ang Limasawa na kagayang tunog ng Mazaua, rason na na-adopt ang maling akala noong 1905 hanggang sa ito’y nadala na sa mga paaralan at pati na sa simbahan.