TUGUEGARAO CITY – Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Tuguegarao ang 19-anyos na si Erica Martinez Corpuz upang tulungan makauwi kaagad ang kanyang ina na si Evelyn Corpuz, 39, isang OFW.

Ayon sa dalaga, kasalukuyang nagtatrabaho ang kanyang ina sa sa Saudi Arabi at huli niyang nakausap ito noong Marso 23, 2019.

Sa huling pag-uusap ng mag-ina ay umapela raw ito ng tulong sa kanya dahil sa tuwing mag-aaway daw ang kanyang mga amo ay pinagbabalingan siya nang galit ng kanyang among babae.

Hinaing din daw ni Evelyn na nanlalabo na ang kanyang mga mata at nahihilo umano ito dahil sa dami nang pinapagawa sa kanya ng mga amo.

Sa hindi malamang dahilan ay papalit-palit din umano ng amo ang kanyang ina.

Dagdag pa nito, nagbayad daw ang kasalukuyang amo ni Evelyn ng P20,000 sa huli nitong amo para makapag-trabaho agad sa kanila.

Nakipag-ugnayan na rin daw ang kanilang pamilya sa Malacanang kung saan ilan sa mga staff nito ay tinawagan umano siya para humingi ng karagdagang impormasyon.

Sa ngayon ay naghihintay sila ng aksyon mula sa palasyo.

Sa kabila nito ay patuloy pa rin na umaasa si Erica na matutulungan ang kanyang ina na makauwi ng ligtas at buhay.

Aniya, mas mabuti na lang daw na kasama nila ang kanilang ina sa hirap kaysa naman sinasaktan lamang siya sa ibang bansa.