ROXAS CITY – Pinangalanan na ng Philippine National Police (PNP) sa lalawigan ng Capiz ang tatlong bayan na inilagay sa election “hot spot” area sa darating na May 2019 midterm election.

Kabilang dito ang mga bayan ng President Roxas, Cuartero, at Tapaz.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Police Col. Canelo Fuentes, provincial director ng Capiz Police Provincial Office (CPPO), sinabi nito na lumalabas sa kanilang monitoring na may intense political rivalry sa bayan ng President Roxas habang may presensiya ng mga NPA sa mga bayan ng Cuartero at Tapaz.

Ayon pa sa opisyal, otomatikong isinasama sa election hot spot area ang mga lugar na may presensiya ng mga rebelde para matutukan ang seguridad ng publiko.

Samantala, tiniyak ni Fuentes na mas pinaiigting ng mga pulis ang checkpoint operation kabilang na ang kanilang pangunahing kampanya laban sa iligal na droga at loose firearms.

Hinimok rin nito ang mga kandidato na huwag ituring na kaaway ang kanilang mga kalaban sa pultika, sa halip magtulungan sila para maging katuwang ang isat isa sa pagbibigay ng progreso sa bayan.

Umapela rin ng kooperasyon sa publiko si Fuentes na tulungan ang mga pulis para mapanatili ang malinis at tahimik ang halalan.