BAGUIO CITY — Aabot sa 17 Private Armed Groups sa lalawigan ng Abra ang mahigpit na babantayan ng Philippine National Police sa nalalapit na eleksyon.

Sa pagbisita ni PNP chief General Oscar Albayalde sa Abra, kinumpirma nito na ginagamit ng mga pulitiko doon ang mga nasabing PAGS.

Batay aniya ito sa pagmonitor ng Abra Police Provincial Office at PNP Headquarters.

Inamin niya na ito ang isa sa problema nila sa nalalapit na eleksyon lalo pa at nagkukulang ang bilang ngayon ng mga pulis sa Abra.

Gayunpaman, sinabi ng PNP Chief na magsasagawa sila ng realignment sa mga provincial at regional mobile force companies para madagdgaan ang mga pulis na magbabantay sa Abra.

Ipinangako din umano ng mga pulitiko sa Abra na hindi sila gagawa ng anomang karahasan matapos isagawa ang peace covenant signing doon para sa nalalapit na midterm elections.