CAUAYAN CITY – Isa ang patay at apat ang nasugatan sa bangaan ng tricycle at motorsiklo sa Pangal Norte Echague,Isabela.

Ang namatay ay ang driver ng motorsiklo na si Alvin Dela Cruz habang nasugatan ang kaniyang back rider na si Mike Salvador, kapwa residente ng Masaya Sur,San Agustin,Isabela.

Nasugatan din ang binatang driver ng tricycle na si Jet Dela Cruz, 23-anyos, at mga sakay na sina Jaymar Silaran, 19-anyos, kapwa residente ng Kimmalabasa Norte, San Agustin,Isabela at Aries Catab,19-anyos, residente ng Masaya Sur,San Agustin,Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Andy Orilla,hepe ng Echague Municipal Police Station sinabi niyang binabagtas ni Alvin sakay ng kaniyang minanehong motorsiklo ang lansangan patungo sa direksyon ng Ipil, Echague,Isabela habang ang tricycle ay patungo sa kasalungat na direksyon.

Nasa maling linya umano ang tricycle kaya nabangga nito ang paparating na motorsiklo.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang driver at ang kanilang mga sakay.

Agad dinala sa Southern Isabela General Hospital ang tsuper ng motorsiklo na si Alvin Dela Cruz ngunit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Muli namang nagpaalala si Police Major Orilla na mag ingat at mag hinay hinay sa pagmamaneho.

Pinayuhan pa ang mga contractor ng daan na lagyan ng palataandaan ang mga one way sa bayan ng Echague upang maiwasan ang mga aksidente sa daan.